Hihilingin ni Senate Majority Leader Francis Tolentino sa Department of Agriculture (DA) na magbigay ng emergency assistance sa mga magsasaka ng Negros Island na naapektuhan ng pagputok ng Mount Kanlaon at lahar na sumunod dito.
Sinabi ito ng senador matapos makausap si La Castellana, Negros Occidental Mayor Alme Rhummyla Mangilimutan at napag alaman ang sitwasyon ng mga Kanlaon farmer.
Ayon kay Tolentino, lalapit siya sa DA para malaman kung anong intervention ang pwedeng ibigay sa mga magsasaka.
Sa ngayon, giniit ng majority leader na ang kalusugan ng mga residente sa lugar ang dapat munang pagtuunan ng pansin.
Una nang nanawagan ang senador sa Department of Health (DOH) na tiyaking magkakaroon ng malinis na tubig ang mga apektadong residente sa paligid ng Mt. Kanlaon.
Binigyang diin ni Tolentino na ang Mt. Kanlaon ang isa sa natural sources ng malinis na tubig sa Negros Island kaya ang anumang kontaminasyon ay magdudulot ng banta sa kalusugan sa mga komunidad sa Negros Occidental at Oriental.
Kaugnay nito, nagpadala na ang DOH ng medical teams, water purification tablets at face masks sa mga apektadong residente.
Maging ang Office of the Civil Defense (OCD) ay rumesponde na rin at nagpadala ng water filtration equipment. | ulat ni Nimfa Asuncion