Hinimok ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang mga Pilipinong mangingisda na mag extra ingat kapag nangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ay kasunod ng pagpapatupad na ng China ng kanilang batas na arestuhin at ikulong ng hanggang 60 araw ang sinumang papasok sa pinaniniwalaan nilang parte ng kanilang teritoryo kabilang na ang Bajo de Masinloc.
Sa kabila nito, binigyang diin ng majority leader na hinihikayat pa rin ng ating Armed Forces of the hilippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang mga Pilipinong mangingisda na ituloy lang ang pangingisda at igiit ang kanilang karapatan sa fishing grounds sa WPS.
Ibinahagi ni Tolentino, na nagtakda na siya ng meeting kasama ang Department of Foreign Affairs (DFA) para pag-usapan ang magiging implikasyon ng bagong batas na ito ng China.
Aniya, maituturing kasing pagsuko sa traditional fishing grounds ng Pilipinas kung kikilalanin natin ang batas na ito ng China.
Ngayong hapon ay nakatakda ring personal na kausapin ng majority leader ang mga mangingisda ng Masinloc, Zambales, kung nasaan ang karamihan ng mga kababayan nating nangingisda sa Bajo de Masinloc. | ulat ni Nimfa Asuncion