Nirerekomenda ni Senate Committee on Public Services chairman Senador Raffy Tulfo sa Department of Transportation (DOTr) na i-renegotiate ang kontrata ng MRT3 sa Dalian trains at isauli na lang ang mga tren para maibalik ang halaga ng perang naibayad sa kumpanya.
Ginawa ng senador ang pahayag na ito kasunod ng ginawa niyang pag-iinspeksyon sa MRT3 depot sa North Avenue, Quezon City kahapon.
Dito ay nakita ni Tulfo ang mga nakatengga na Dalian trains.
Ayon sa mambabatas, nasa 48 Dalian trains na gawa ng China na nagkakahalaga ng P3.7 billion at naideliver noong 2017 ang nakatiwangwang lang doon.
Pinunto pa ni Tulfo na may mga nakasuhan na sa ombudsman dahil dito pero na-dismiss lang.
Kaya naman dapat aniyang magsampa ng kakaibang criminal case kaysa sa dati nang naihain para maiwasan ang double jeopardy.
Sa huli, sinabi ni Tulfo na magpapatawag siya ng hearing sa Senado sa darating na Hulyo, pagkatapos ng Senate recess, para may managot at bawiin ang perang nagastos para sa mga hindi na nagagamit na Dalian trains.| ulat ni Nimfa Asuncion