Hihintayin muna ng Senado na maaresto ng tuluyan ng mga otoridad si Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy bago hilingin ang pagpadalo nito sa pagdinig ng Senado.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, magpapatuloy pa rin ang pagdinig ng Senate Committee on Women tungkol sa mga isyu kay Quiboloy at naantala lang ito dahil hindi pa matunton ngayon ang religious leader.
Kung titimbangin aniya ang subpoena na inisyu ng Senado laban sa religious leader at sa arrest warrant na inisyu ng korte, hindi hamak naman aniyang mas matimbang ang arrest warrant na inilabas ng husgado at ng korte.
Dinagdag pa ng Senate president na tiyak na unang mapapatupad ang arrest warrant ng korte at pagkatapos itong maipatupad ay saka na lamang hihilinging ng mataas na kapulungan, partikular ng Senate Committee on Women ni Senadora Risa Hontiveros, na pahintulutan ng korte na dumalo si Quiboloy sa pagdinig ng Mataas na Kapulungan.
Ngayong araw, isinilbi ng kapulisan ang arrest warrant laban kay Quiboloy sa KOJC Dome sa Davao City.| ulat ni Nimfa Asuncion