Magkakaroon na rin ng sesyon ang Senado tuwing Huwebes sa halip na hanggang Miyerkules lang.
Kinumpirma ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na napagkasunduan na ito ng ilang senador sa majority bloc.
Ayon kay Tolentino, itatakda mula alas-10 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon ang sesyon tuwing Huwebes.
Ilalaan lang aniya nila ang Thursday session sa local bills na manggagaling sa Kamara habang ang Monday to Wednesday session ay itutuon para sa national bills.
Sa pamamagitan nito, inaasahan ng majority leader na mas maraming pending locals bills ang makakausad na sa Mataas na Kapulungan. | ulat ni Nimfa Asuncion