Isinusulong ni Senador Joel Villanueva na maimbestigahan sa Senado ang pagdami ng mga gambling-related text scams at ang paggamit, pagbebenta at pag-aangkat ng cell site simulators para makapagpadala ng mga scam text message.
Sa inihain ni Villanueva na Senate Resolution 1057, partikular nitong tinukoy ang dami ng mga SIM card na narekober sa mga na-raid na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hubs.
Kabilang na ang sa Las Piñas, Pasay City at Bamban, Tarlac.
Maliban dito, pinunto rin ng mambabatas ang paggamit ng mga scammer ng simulator o international mobile subscriber identity (IMSI) catcher para maloko ang mga mobile user na lehitimo ang natatanggap nilang mensahe.
Kadalasan ring laman ng mga mensaheng ito ang fake links na nagagamit sa pagkuha ng impormasyon o pera mula sa kanilang nabibiiktima.
Kaya naman sa isinusulong na Senate inquiry ni Villanueva, nais nitong ma-review at matukoy kung anong pwedeng epektibong hakbang na gawin para matugunan ang paglaganap ng mga text scam.
Partikular na tatanungin dito ang National telecommunications commission (NTC) at ang iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan. | ulat Nimfa Asuncion