Minungkahi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa Anti Money Laundering Council (AMLC) na ikonsidera ang pagpapa-freeze ng lahat ng assets ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Giit ni Estrada, sa gitna ng mga alegasyon at mga lumalabas na ebidensya laban kay Guo ay nararapat lang na kumilos ang AMLC para maprotektahan ang integridad ng pondo ng bayan, matiyak ang accountability at maitaguyod ang transparency.
Binigyang diin ng senador, na isa itong mahalagang hakbang para maiwasan ang paglilipat ng mga asset na ilegal na nakuha ni Guo.
Makakatulong aniya ito para magkaroon ng masusing imbestigasyon at malaman ang katotohanan sa likod ng kaliwa’t kanang akusasyon na may kinalaman umano ang lokal na opisyal sa ilang mga ilegal na aktibidad gaya ng money laundering.
Higit sa lahat, ang aksyon na ito ay mag uudyok rin sa mga otoridad na imbestigahang maigi ang sanga-sangang ilegal na aktibidad ng mga sangkot sa POGO. | ulat ni Nimfa Asuncion