Umaasa si Senate President Chiz Escudero na magsisilbing inspirasyon ang diwa ng pinagdiriwang natin ngayong Araw ng Kalayaan para patuloy na magsumikap ang mga Pilipino tungo sa isang magandang bukas.
Sa kanyang Independence Day message, sinabi ni Escudero na ang kalayaang tinatamasa natin ngayon ay bunga ng mga sakripisyo at katapangan ng mga bayani ng Pilipinas.
Nanawagan ang Senate President sa mga Pilipino, na dapat isapuso ang diwa ng kalayaan hindi lang bilang alaala kung hindi bilang gabay sa pagtahak sa landas ng pag-unlad at pagbabago.
Samantala, pinahayag naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na nararapat na bigyan ng bagong kahulugan ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Giit ni Estrada, dapat ipakita natin sa buong mundo ang ating pagkakaisa at determinasyon sa pagtatanggol ng ating karapatan, mga likas na yaman at teritoryong ating nasasakupan.
Pinunto rin ng senador, na ang pagmamalasakit sa isa’t isa ang pinakamalakas nating sandata laban sa mga dayuhang pwersa na nagnanais baguhin ang ating teritoryo at pahinain ang ating soberanya.
Ang tunay na diwa aniya ng kalayaan ay ang pagiging handa na ipaglaban ito sa tuwing tayo ay hinahamon. | ulat ni Nimfa Asuncion