Kinumpirma ni House Speaker Martin Romualdez ang nakatakda nilang pulong ng bagong luklok na Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero sa darating na Huwebes, June 13.
Sa isang ambush interview kasabay ng paggunita sa Independence Day sa Barasoain Church sa Bulacan, sinabi ni Romualdez na mahalaga ang pulong ng dalawang lider ng kapulungan ng Kongreso para talakayin ang mga prayoridad na panukala ng administrasyon, at masiguro ang bukas na komunikasyon ng Kamara at Senado.
Bagamat tapos na aniya mg Mababang Kapulungan ng halos lahat ng LEDAC at SONA priority measures, pakikinggan pa rin aniya posibleng bagong mga prayoridad lalo at may pagbabago sa liderato ng Senado.
“Bukas, magkakaroon tayo ng meeting, at syempre, tatalakayin ang priority legislative agenda,” said Romualdez. Sa totoo lang po, sa House of Representatives, tapos na at naipasa natin lahat ng priority measures ng ating mahal na Presidente, lalo na ‘yung SONA measures at LEDAC. Pero syempre, bago ang leadership ngayon at baka may bagong priorities na irerekomenda rin, kaya papakinggan natin po ‘yun.” Sabi ni Romualdez
Binigyang diin ng House Speaker na importante ang maayos na kooperasyon ng House of Representatives at Senado para sa ikatatagumpay ng mga programa ng administrasyong Marcos Jr. | ulat ni Kathleen Forbes