Simula sa Lunes, Hunyo 3, magpapatupad na ng flexible work arrangement ang Social Security System sa main at Makati Offices nito.
Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet, layon ng flexible work arrangement na makatulong na makabawas sa pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila.
Sa ilalim ng flexible work arrangement, magkakaroon ng isang araw na work from home at apat na araw na work in office schedule ang SSS Main Office at corporate office nito sa Makati.
Mananatili namang bukas at gagana sa regular business hours araw-araw ang lahat ng sangay nito sa buong bansa kabilang ang SSS Diliman Branch.
Tiniyak ni Macasaet na hindi maaabala ng modified work schedule ang business operations ng 254 na sangay ng SSS sa buong bansa.
Lahat ng mga sangay nito ay magbubukas mula alas -8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 hapon mula Lunes hanggang Biyernes.
Ang mga piling opisina naman ng SSS sa malls ay magsisimula ng kanilang operasyon mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi mula Lunes hanggang Sabado. | ulat ni Rey Ferrer