Ikinatuwa ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang ipinangako ni House Speaker Martin Romualdez na pagkakaloob ng pondo para sa susunod na taon sa flagship Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, mahalaga ang suporta ng Kongreso, lalo na sa pagpopondo para sa sustainability at tagumpay ng housing program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Umaasa din si Acuzar na sana ay maisabatas na rin ang mga panukalang naglalayong ma-institutionalize na ang Pambansang Pabahay.
Aniya, may mga nakabinbing panukalang batas, kapwa sa Kamara at Senado para sa institusyonalisasyon ng 4PH upang matiyak ang continuity, partikular na sa usapin ng pagpopondo ng interest subsidy para sa mga benepisyaryo.
Kapag na-institutionalize na ang 4PH, mas maraming Pilipino pa lalo na ang mahihirap ang magkakaroon ng disente at abot kayang pabahay. | ulat ni Rey Ferrer