Ipinag-utos na ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ang pag alis sa kanilang partido kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa liham na binahagi ni NPC Chairman Vicente Sotto III na may petsang June 22, 2024, pormal na ibinabang alisin na si Guo sa mga miyembro ng NPC.
Ito ay bilang tugon sa petisyon na isinumite ni Tarlac Governor Susan Yap sa pamunuan ng NPC noong June 17.
Base sa tugon ni Sotto, hindi kukunsintehin ng NPC ang anumang gawaing labag sa batas o anumang maling aksyon ng sinuman sa kanilang miyembro na maglalagay sa alanganin sa prinsipyo ng kanilang partido.
Pinaliwanag rin ni Sotto na ang desisyong alisin sa NPC si Guo ay base sa konsultasyon sa mga lider at miyembro ng partido at maging sa bigat ng mga kaso at imbestigasyon na isinasagawa ngayon laban sa suspended mayor.
Una nang sinuspinde si Guo ng office of the ombudsman kasunod ng graft complaints na inihain ng DILG.
Sinampahan rin ito ng PNP-CIDG at Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) ng qualified human trafficking case dahil sa diumano’y koneksyon nito sa POGO operations sa Tarlac.| ulat ni Nimfa Asuncion