Para kay Senate Committee on Women, Senadora Risa Hontiveros, tama lang ang naging desisyon ng Office of the Ombudsman na patawan na ng preventive suspension si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Pinaalala ni Hontiveros na noong unang bisita pa lang nila sa na-raid na POGO sa Bamban at pinanawagan na niya ang preventive supension laban sa alkalde.
Nakatanggap aniya ng impormasyon ang senadora na sinubukan ni Mayor Alice na harangin ang imbestigasyon laban sa na-raid na POGO sa Tarlac.
Nanindigan ang mambabatas na dokumentado ang koneksyon ni Mayor Alice sa POGO kahit pa ilang beses itong magsinungaling at igiit na wala siyang maalala.
Binigyang diin ni Hontiveros na ang POGO na sinasabing konektado kay Guo ay nasasangkot rin sa hacking at surveillance activities.
Umaasa ang senadora na sa gagawin nilang executive session sa Miyerkules ay mas magiging maliwanag ang totoong papel ni Mayor Alice, hindi lang sa mga POGO, kundi pati sa mga banta sa ating pambansang seguridad.| ulat ni Nimfa Asuncion