Ilan pang mga senador ang nagpahayag ng suporta at pagpabor sa ibinabang suspension order ng Office of the Ombudsman laban kay Bamban Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay Senate Committee on Ways and Means chairman Sherwin Gatchalian, isa itong hakbang tungo sa tamang direksyon.
Giniit ng senador na sa pamamagitan ng hakbang na ito ay mas magiging malaya ang mga awtoridad na mag-imbestiga nang walang pangamba ng cover-up habang nakaupo sa pwesto ang alkalde.
Sinabi ni Gatchalian na sinumang opisyal ng gobyerno na pinaghihinalaanag gumawa ng iregularidad ay dapat na masusing maimbestigahan at mapanagot kung mapapatunayang guilty.
Tiniyak rin ng senador na mananatiling committed ang Senado na mailabas ang detalye ng pagpapatayo ng POGO sa Bamban na iniuugnay sa mga transnational crimes gaya ng money laundering at human trafficking.
Maging si Senador Joel Villanueva ay pinuri rin ang naging hakbang ng ombudsman maging ng DILG kaugnay ng kaso ni Mayor Guo.
Kasabay nito ang panawagan ni Villanueva sa mga ahensya ng gobyerno na paigtingin ang kanilang mga hakbang para hindi na maulit ang ganitong kaso.| ulat ni Nimfa Asuncion