Isang mahinang phreatic activity o pagbuga ng usok o steam ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) mula sa Main Crater ng Bulkang Taal.
Ayon sa PHIVOLCS, naitala sa pagitan ng 9:30 PM at 9:32 PM kagabi ang phreatic activity base na rin sa visual, seismic, at infrasound records mula sa Taal Volcano Network (TVN).
Nagdulot ito ng pagsingaw na umabot sa 600 metro ang taas.
Paliwanag ng PHIVOLCS, bunsod pa rin ito ng nagpapatuloy na upwelling ng mainit na volcanic gas sa Taal Volcano.
Na-monitor rin ng PHIVOLCS ang mataas na lebel ng sulfur dioxide na umaabot sa 4,641 tonnes/kada araw noong June 20, 2024.
Sa ngayon ay nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang Taal Volcano, at patuloy ang babala ng ahensya sa mga posibleng panganib sa bulkan kabilang ang biglaang pagsabog. | ulat ni Merry Ann Bastasa