Umaasa si Tagum City Mayor Rey Uy na magsilbing pangaral kay Davao del Norte 1st district Rep. Pantaleon Alvarez ang ipinataw na censure sa kanya ng Kamara kasunod ng mga binitiwan nitong pahayag sa isang rally.
Sa isang ambush interview sa alkalde sa paglulunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Tagum City, natanong ito kung kuntento sya sa sanction na ibinigay ng Kamara.
Aniya tama na ang ipinataw na reprimand at magsilbi sana itong paalala na bilang public official ay maging maingat sa mga salitang binibitiwan.
“Tama na yon, na-reprimand siya. Kaya, lesson learned na tayong public officials should be careful…Kung anong mga statement ang ipalabas…Public official tayo, dapat modelo. Nandyan tayo sa mga rallies, public gatherings, ipaabot natin sa mga tao programa, proyekto, hindi yung below the belt,” saad ni Uy.
Si Uy ang naghain ng reklamo laban kay Alvarez sa House Committee on Ethics.
Dapat ay 60 day suspension ang inirekomemdang sanction ng komite ngunit ibinaba ito sa censure nang mai-akyat sa plenaryo. | ulat ni Kathleen Forbes