Kasabay ng pagtunog ng mga sirena ng bumbero, ganap nang umarangkada ang tradisyunal na basaan kasabay ng taunang “Wattah-Wattah” Festival sa San Juan City ngayong araw.
Sinabayan ito ng sayawan mula sa mga kabataang kalahok sa tinaguriang “watercade” o parada at street dance kasabay ng basaan.
Nakaabang naman ang mga residente ng San Juan City na nakiisa rin sa basaan at nagbubuhos ng tubig sa mga dumaraan na motorista gamit ang water hose, balde o timba at water gun.
Bakas naman sa mukha ng mga residente ang saya dahil sa pagbabalik ng kanilang tradisyong nabalam buhat nang tumama ang COVID-19 pandemic gayundin ang El Niño.
Gayunman, limitado lamang ang oras ng basaan sa San Juan na nagsimula alas-7 ng umaga at matatapos naman ganap na alas-12 ng tanghali. | ulat ni Jaymark Dagala