Tinalakay ng Pilipinas at Estados Unidos ang kahalagahan ng “transparency policy” ng pamahalaan sa isyu sa West Philippine Sea.
Ito’y sa pakikipag-usap ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año kay US National Security Adviser Jake Sullivan kahapon, Hunyo 27.
Dito’y binigyang diin ng dalawang opisyal ang kahalagahan ng naturang polisiya, at pagresolba sa mga alitan sa pamamagitan ng mapayapang paraan; gayundin ang pagtataguyod ng rules based order.
Binanggit ni Sec. Año na determinado ang Pilipinas na ipagtanggol ang kanyang sovereign rights sa loob ng Exclusive Economic zone (EEZ) ng bansa, sa pagtalakay ng dalawang opisyal sa “escalatory” at biolenteng aksyon ng China laban sa mga tropang Pilipino malapit sa Ayungin Shoal.
Nagpasalamat naman si Sec. Año sa patuloy na suporta ng Estados Unidos sa Pilipinas at pagtiyak sa kanilang “ironclad commitment” sa alyansa ng dalawang bansa. | ulat ni Leo Sarne