Kapwa nagkasundo sina Speaker Martin Romualdez at Senate President Chiz Escudero na palalakasin ang ugnayan ng Kamara at Senado upang mapagtibay ang legislative agenda ng administrasyong Marcos.
Kasunod ito ng unang pulong sa pagitan ng dalawang lider ng kapulungan matapos ang pagpapalit ng liderato ng Senado.
Ayon kay Speaker Romualdez, ang pulong nila ay isang mahalagang hakbang sa mas malalim na kolaborasyon ng Kongreso upang tugunan ang mga hamong kinakaharap ng bansa at makamit ang mas magandang bukas para sa mga Pilipino.
“This meeting symbolizes a renewed and reinvigorated partnership between the House of Representatives and the Senate under the leadership of Senate President Escudero. Together, we are committed to working hand-in-hand to pass key legislation that will significantly benefit the Filipino people,” sabi ng House Speaker.
Nagkasundo sina Romualdez at Escudero na bigyang prayoridad ay ang amyenda sa Rice Tariffication Law para sa food security at economic stability ng ating mga magsasaka.
“Amending the Rice Tariffication Law is a crucial step towards ensuring food security and economic stability for our farmers. We are committed to making quality rice affordable for all Filipinos while boosting the livelihoods of our local farmers,” ani Romualdez.
Napag-usapan din aniya ang estado ng mga priority legislation at ang pagtiyak na mapagtibay ito ‘on time’.
Partikular na ang 20 LEDAC priority measures na dapat maaprubahan sa Hunyo 2024, 2023 SONA priority measures at Common Legislative Agenda.
Gayundin ang legislative measures na dapat pagtibayin bago ang break ng Kongreso sa Oktubre at Disyembre.
Mayroon ding 19 na panukalang batas na itinutulak na maisama sa LEDAC.
Sa 59 na CLA, tatlo na lang ang hindi pa naaprubahan ng Kamara at ito ang amyenda sa EPIRA, National Defense Act, at Budget Modernization Bill.
Positibo naman si Romualdez sa pamumuno ni Escudero na magreresulta sa mas mabilis na legislative process na pakikinabangan ng mga Pilipino.
“Our joint efforts with the Senate reflect our collective resolve to push forward the President’s priority measures. With Senate President Escudero’s dynamic leadership, I am confident that we can expedite the legislative process, ensuring that the benefits reach our people without delay,” sabi pa niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes