Hindi na papahalagahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang “deceptive” at “misleading” na pahayag ng Chinese Coast Guard (CCG) kaugnay ng huling insidente sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad kaugnay ng ulat ng Chinese Coast Guard na binangga umano ng resupply vessel ng Pilipinas ang kanilang barko sa bisinidad ng Ayungin Shoal.
Ayon kay Trinidad hindi tatalakayin ng AFP ang mga detalye ng legal na humanitarian and resupply mission sa Ayungin Shoal na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Giit ni Trinidad, ang pangunahing isyu ay ang iligal na presensya at iligal na pagkilos ng Chinese Coast Guard sa loob ng EEZ ng bansa, na paglabag sa soberanya at karapatan ng Pilipinas.
Dagdag ni Trinidad, ang patuloy na agresibong pagkilos ng Chinese Coast Guard ang nagpapalala ng tensyon sa West Philippine Sea. | ulat ni Leo Sarne