Nasabat ng mga kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport ang tinatayang 47 million Japanese yen o katumbas ng ₱17.2 million na sinasabing undeclared.
Natuklasan ang nasabing halaga sa pamamagitan ng x-ray inspection na isinagawa sa check-in baggage ng isang Koreano sa NAIA Terminal 3 noong June 27.
Kinumpirma ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio na hindi idineklara ng pasahero ang nasabing pera at sinasabing labag sa mga regulasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sang-ayon sa cross-border currency transfers at Republic Act. No. 10863 o kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act.
Ang nangyaring pagkakasabat ng milyon-milyong pera ay kasunod ng joint inspection ng BOC-NAIA, Anti-Money Laundering Council (AMLC), at BSP sa NAIA na nagpapakita ng pinaigting na pagbabantay laban sa illicit financial activities. | ulat ni EJ Lazaro