Ipinakita ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Davao del Norte na buhay na buhay pa rin ang UniTeam.
Ito ang tinuran ng ilan sa mga mambabatas na dumalo sa pinakamalaking BPSF.
Nasa 167 kongresista ang dumating sa BPSF kasama si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na idinaos sa probinsya na kilalang balwarte ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario, ipinapakita nito ang commitment ng pamahalaan na maibaba ang serbisyo sa mga Pilipino
“Buhay na buhay ang Uniteam sa Tagum City, Davao del Norte! What we have seen is an unprecedented show of unity among lawmakers for a program that highlights our commitment to bringing essential government services directly to the people, ensuring that no Filipino is left behind,” sabi ni Almario.
Umabot sa P913 milyong halaga ng financial assistance at serbisyo ng gobyerno ang ibinahagi sa kabuuang 250,000 residente ng Davao del Norte, ang pinakamalaking bilang ng mga benepisyaryo mula ng magsimula ang BPSF noong nakaraang taon. Ang BPSF sa Davao del Norte ang ika-19 na yugto ng programa.
“The fair in Davao del Norte is a testament to the Marcos administration’s dedication to serving its citizens and the efforts of the House of Representatives under Speaker Romualdez in fostering national development through direct engagement and support,” sabi ni Almario.
Ayon naman kay Zambales Rep. Doris “Nanay Bing” E. Maniquiz, na dumalo rin sa dalawang araw na Serbisyo caravan, na ang pagdalo ng 167 kongresista ay pagpapakita ng pagkakaisa ng mga miyembro ng Kamara.
“During the event, we witnessed firsthand the positive impact of government welfare and social amelioration programs on the lives of Filipino families. Direktang tulong po ito, walang dinadaanang red tape o middlemen. Ramdam na ramdam ng mamamayan ang tulong mula sa pamahalaan,” wika ni Maniquiz.
Idinagdag ni Maniquiz na ang BPSF ay nagpakita kung gaano kahalaga ang trabaho ng lehislatura sa pambansang badyet, gaya ng paglalaan ng pondo para sa ayuda, upang maramdaman ng publiko ang benepisyo nito.
Sa panig naman ni Manila Rep. Ernesto Dionisio, binigyang diin nito ang kahalagahan ng BPSF upang maiuugnay ang serbisyo ng gobyerno sa pangangailangan ng mga Pilipino.
“At dahil inilalapit natin ang mga serbisyo ng pamahalaan direkta sa mamamayan, mas nasosolusyunan natin ang kanilang pangangailangan. We are proud to be part of an initiative that directly benefits our constituents and showcases the government’s dedication to improving the quality of life for all Filipinos,” sabi ni Dionisio.| ulat ni Kathleen Forbes