Muling nanawagan ang Estados Unidos sa China na tigilan ang pang-haharass sa mga barko ng Pilipinas na legal na nag-ooperate sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.
Ang panawagan ay ginawa ni US Ambassador to the Philippines MaryKay Carlson sa International Media Conference ng East-West Center sa Manila kahapon.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Amb. Carlson na hindi manahimik ang Estados Unidos kapag nakikitang binu-bully ang kaalyadong bansa sa kanilang sariling bakuran.
Ayon sa Embahador, umaalma narin ang ibang mga bansa, at ang nagkakaisang pagtutol sa banta sa kapayapaan at seguridad sa South China Sea ay lumalakas araw-araw.
Binigyang diin ng Embahador na ibinasura ng 2016 Arbitral Ruling ang malawakang pag-aangkin ng China sa South China Sea, at dapat tigilan na ng China ang “interference” sa “freedom of Navigation and overflight” ng lahat ng bansang legal na nag-ooperate sa rehiyon. | ulat ni Leo Sarne