Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros sa National Security Council na iakyat na kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang usapin ng POGO bilang isang national security threat sa Pilipinas.
Ayon kay Hontiveros, isa ito sa mga naging paksa sa ginawa nilang executive session kaninang umaga patungkol sa isyu ng POGO operations sa bansa.
Bilang chairperson ng NSC executive committee, minungkahi ng senadora na i-convene na ng Punong Ehekutibo ang board para matimbang ang banta sa seguridad ng bansa na dulot ng POGO.
Kalikip pa rin aniya ito ng patuloy na panawagan ng Senate Committee on Women na tuluyan nang i-ban sa bansa ang lahat ng POGO operations.
Kasama sa executive session ng committee on women na pinamumunuan ni Hontiveros ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), PNP, NSC at IACAT (Inter-Agency Council Against Trafficking).
Kabilang rin aniya sa mga natalakay sa executive session ang pag-aaral tungkol sa operasyon ng mga POGO at ang illegal revenue flows ng mga ito.
Sa executive session rin aniya ay walang lumabas na impormasyon na makakabawas sa espekulasyon tungkol sa nationality ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa ngayon, plano ni Hontiveros na magkakaroon ng isa pang briefing kasama ang AMLC tungkol sa illegal revenue flows ng mga POGO saka magtatakda muli ng public hearing tungkol sa isyu.| ulat ni Nimfa Asuncion