Inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang utay-utay na pagbabayad ng kuryente ng power utilities sa suplay ng kuryenteng kanilang binili sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Batay sa inilabas na desisyon ng ERC, maaaring bayaran ng power utilities ang kanilang biniling kuryente sa WESM sa loob ng apat na buwan dahil sa sunod-sunod na pagdedeklara ng Red at Yellow Alert bunsod ng manipis na suplay ng kuryente.
Halimbawa, kung ₱2 ang itinaas sa monthly billing, dapat itong hatiin sa tig-₱0.50 centavos mula ngayong buwan ng Hunyo hanggang sa Setyembre.
Pero bago ilabas ng ERC ang desisyon nito, inanunsyo na ng Manila Electric Company (MERALCO) ang ₱0.64 centavos kada kilowatt hour na umento sa singil sa kuryente para sa buwan ng Hunyo.
Katumbas ito ng ₱128 na dagdag para sa mga kumukonsumo ng 200 kWh habang ₱320 para naman sa mga kumukonsumo ng 500 kWh.
Paliwanag ng MERALCO, maliban kasi sa generation charge, tumaas din ang iba pang bahagi ng bayarin.
Nang hingan ng Radyo Pilipinas ang panig ng MERALCO sa desisyon ng ERC, sinabi ng Communications Head nito na si Claire Feliciano na hinihintay pa nila ang kopya ng desisyon at kanila muna itong pag-aaralan. | ulat ni Jaymark Dagala