Sa ginanap na pagdiriwang ng ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Davao City, binigyang-diin ni Vice President Sara Duterte ang kahalagahan ng paggunita sa sakripisyo ng ating mga bayani upang makamit ang kalayaan ng bansa.
Sa kaniyang talumpati, hinikayat ni VP Duterte ang lahat na pahalagahan ang kasarinlang natatamasa ngayon at gamitin ito para sa ikabubuti ng bawat isa at ng buong bansa.
Partikular na nanawagan ang Pangalawang Pangulo sa mga kabataan na maging aktibong kabahagi sa pagpapaunlad ng bansa.
Aniya, ang mga kabataan ang susi sa kinabukasan ng Pilipinas kaya’t mahalaga ang kanilang aktibong partisipasyon sa pagsusulong ng mga positibong pagbabago.
Ipinaalala rin ni VP Duterte na ang kalayaan ay hindi lamang nakaraan kundi isang patuloy na paglalakbay. Kaya naman, mahalaga aniyang matuto mula sa mga pagkakamali ng nakaraan at harapin ang mga hamon ng kasalukuyan upang makamit ang tunay na pag-unlad ng bansa.
Pinangunahan din ng Pangalawang Pangulo ang flag-raising ceremony at wreath-laying ceremony sa Rizal Park, Davao City kaninang umaga. | ulat ni Diane Lear