For release na bukas ang nasa ₱27-B pondo para sa Health Emergency Allowance ng mga health care workers na tuloy-tuloy na nagserbisyo nuong nakaraang pandemya.
Kasunod na rin ito ng naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R . Marcos Jr. na bayaran na ang mga unpaid claims ng mga kinauukulan.
Sa 27.453 billion pesos na pondong hiniling ng DOH, masasaklaw nito ang 5,039,283 na natitirang validated unpaid HEA at nasa 4,283 COVID sickness and Death Compensation claims ng eligible healthcare at non-healthcare workers.
Ang hakbang ayon kay DBM secretary Amenah Pangandaman ay bilang pagtupad sa direktiba ng Chief Executive na maibigay na sa mga health workers ang naturang benepisyo na aniya’y kanilang karapat-dapat na makuha.
Napag-alamang 2025 pa sana maibibigay ang Health Emergency Allowance ngunit pinamadali ng Punong Ehekutibo, dahilan upang bukas ay mailabas na ang budget at matanggap ng mga health workers. | ulat ni Alvin Baltazar