Inanunsyo ng Department of Health (DOH) na pinabilis ng Food and Drug Administration (FDA) ang pag-apruba nito ng isang milyong kapsula ng doxycycline.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, agad na nagsagawa ng aksyon si FDA Director-General Samuel Zacate sa Emergency Command Conference. Dahil namamahagi na rin ang DOH ng gamot sa buong bansa para gamitin ito sa pag-iwas at paggamot ng leptospirosis.
Ipinahayag din ni Secretary Herbosa na ang ahensya ay nakatutok din sa pagsuporta sa mga evacuee sa pamamagitan ng pagbili ng mga gamot para sa mga sakit tulad ng hypertension at diabetes. Tiniyak din nito na magpapatuloy ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan ayon sa direktiba ni Pangulong Marcos.
Sa nasabing Emergency Command Conference din, ipinahayag dito na aktibong nakikipag-ugnayan ang mga regional director ng DOH sa mga lokal na pamahalaan upang masuri ang mga pangangailangang medikal ng mga nasa evacuation centers. Kasama rito ang pamamahagi ng hot meals, pagtiyak sa tamang kalinisan, at pagbibigay ng mental health at psychosocial support.
Naunang inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang DOH na tiyaking makakarating ang mga pangunahing serbisyong medikal sa lahat ng mga evacuation center.| ulat ni EJ Lazaro