2 pulis-Maynila na nanakit at nagbanta sa Valenzuela traffic enforcer, sinampahan na ng kaso

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kinasuhan na ng kasong grave threat at physical injury ang dalawang pulis-Maynila na nanakit, nanutok ng baril, at nagbanta sa isang traffic enforcer ng Valenzuela LGU.

Naganap ang insidente madaling araw ng July 14 nang mamataan ng biktimang si Ronaldo David ang dalawang pulis-Maynila na nagmo-motor sa Barangay Mabolo nang naka-tsinelas at walang helmet.

Ayon kay Valenzuela Mayor Wes Gatchalian, nagtamo ng physical injury at mental trauma ang biktima dahil sa insidente.

Agad namang pinaimbestigahan ng alkalde sa Valenzuela City Police Station ang nangyari na nakipag-ugnayan sa Manila Police District (MPD) para maalis sa pwesto ang mga mapang-abusong pulis.

Nahaharap na rin ang mga ito sa kasong administratibo na grave misconduct.

Giit ni Mayor Gatchalian, bawal ang mga pulis na sisiga-siga sa lungsod ng Valenzuela at hindi palalampasin ang mga ganitong paninindak at pang-aabuso sa mga kawani ng LGU.

“Sa ating mga kawani, huwag ho kayong matakot, at patuloy ho nating gawin nang tama ang ating mga tungkulin,” ani Gatchalian.

Samantala, ginawaran naman ng komendasyon at P10,000 ng pamahalaang lungsod ang traffic enforcer dahil sa kanyang dedikasyon sa tungkulin. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us