Iprinisinta ng National Bureau of Investigation (NBI) sa media ang dalawang suspek at ang ninakaw na 88-taong gulang na obra ng national artist na si Fernando Amorsolo.
Ang kaniyang obra na “Mango Harvesters” ay nawala sa Hofileña Museum sa Silay, Negros Occidental noong July 3.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, naaresto ang mga suspek sa isang entrapment operation sa Tomas Morato, Quezon City matapos magpanggap na buyer ang isang asset ng NBI.
Ibinebenta umano ng isang “Atty. Ching” ang painting sa halagang ₱3.2 milyon.
Nakakulong na ang mga suspek na kinilalang sina Ritz Ching at Donecio Somaylo at nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1612 o Anti-Fencing Law.
Samantala, isinasailalim na sa authentication process ang “Mango Harvesters” painting upang matiyak kung tunay ito.
Ipinoproseso na rin ng NBI at National Museum ang pagsasauli ng obra sa may-ari nito. | ulat ni Diane Lear
📸: NBI