Kapwa nangako sina Speaker Martin Romualdez at DBM Secretary Amenah Pangandaman na titiyaking mararamdaman ng bawat Pilipino ang bawat piso ng P6.352 trillion na panukalang 2025 national budget
Sa turnover ceremony ng 2025 National Expenditure Program sinabi ni Speaker Romualdez na sinasalamin ng pambansang pondo ang ang Agenda for Prosperity ng Marcos Jr. administration.
Kaya naman magiging maingat aniya sila sa pagbusisi ng pondo para masiguro na mapagbuti ang buhay ng bawat Pilipino gayundin ay ang bawat buwis ay maibalik sa taumbayan sa pamamagitan ng mga programa.
Aniya ang naturang budget ay ibubuhos sa para makalikha ng mas maraming trabaho, masiguro ang de-kalidad na edukasyon para sa mga estudyante, at mapalawak ang suporta sa Universal Health Care.
“Malinaw ang misyon natin: Ang mabigyan ng trabaho, edukasyon, at alagang pangkalusugan ang bawat pamilyang Pilipino…As we receive this document today, we recognize the collective responsibility bestowed upon us as legislators to scrutinize, deliberate, and ensure that every peso is judiciously allocated and spent. Patuloy naming babantayan dito sa Kongreso ang paggastos ng mga pondong ito.” sabi ni Speaker Romualdez
Sabi naman ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na susuporta ang pambansang pondo na ito sa pagkamit ng Philippine Development Plan 2023-2028.
Pagbabahagi ng kalihim, umabot sa P9.2 trillion ang kabuuang budget proposal na kanilang natanggap mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Kaya naman sa kanilang paghahanda ng budget ay kinonsidera nila ang utilization rate gayundin ang kahandaan o kakayanan na ipatupad ang nga programa. | ulat ni Kathleen Forbes