Umabot sa 3.7 milyong indigent senior citizens ang nakinabang sa mas mataas na social pension ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa unang anim na buwan ng 2024.
Ayon sa DSWD, katumbas ito ng P21.8-B pondo na nailaan ng kagawaran para sa distribusyon ng social pension na doble na ang itinaas simula ngayong taon.
Ito ay sa bisa na rin ng Republic Act 11916 kung saan ang indigent senior citizens ay nakakatanggap na ng P1,000 monthly stipend mula sa dating P500 kada buwan.
Kabilang sa maituturing na indigent senior citizens ang mga matatanda na, may karamdaman, walang permanenteng pagkakakitaan o wala ring regular suportang natatanggap sa kanilang kaanak, at hindi tumatanggap ng anumang pensyon mula sa SSS, GSIS, PVAO o AFPMBAI.
“Seniors who are qualified to receive social pension are any elderly, aged 60 years old and above who are frail, sickly or with disability and without any pension from other government agencies.” | ulat ni Merry Ann Bastasa