3, napaulat na nasawi sa Rizal dahil sa pananalasa ng bagyong Carina at epekto ng habagat

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kinumpirma ng Rizal Provincial Police Office na tatlo ang napaulat na nasawi sa kanilang nasasakupan matapos na makuryente sa kasagsagan ng mga pag-ulan dulot ng hanging habagat na pinaigting pa ng bagyong Carina.

Kinilala ni Rizal Provincial Police Director, PCol. Felipe Marraggun ang mga biktima na sina Alvin Bulatao, 2-taong gulang at taga-Brgy. Sto. Domingo, Cainta; Mistal Jay Rodelas, 32-taong gulang at taga-Brgy. Burgos sa Rodriguez, at isa pang hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan na taga-San Mateo.

Batay sa inisyal na ulat, nakuryente ang unang biktima matapos mahawakan ang live wire sa loob ng tahanan habang nagliligpit ng kagamitan.

Nagawa pa itong dalhin sa Cainta Municipal Hospital subalit idineklara na itong Dead on Arrival.

Nasawi rin ang ikalawang biktima matapos mahawakan ang poste na may live wire sa kasagsagan ng ulan habang papauwi sa kanilang tahanan sa bayan ng Rodriguez.

Tinangka pa itong saklolohan ng nakatatandang kapatid subalit nakuryente rin ito pero dinala pa rin sa ospital ngunit hindi na rin umabot ng buhay

Natagpuan namang palutang-lutang sa baha sa Liamzon Village sa San Mateo ang ikatlong biktima habang nagsasagawa ng clearing operations ang San Mateo Municipal Disaster Risk Reduction and Management Team.

Tinangkang sagipin ang biktima subalit nakaramdam ng ground ng kuryente ang rescue team kaya’t nagpasaklolo sila sa MERALCO para patayin muna ang kuryente.

Naialis naman ng rescue team ang biktima subalit nang pulsuhan, nakumpirmang wala na itong buhay.

Sa panayam naman ng Radyo Pilipinas kay Cainta PDRRMO Head Eric Arevalo, wala pa silang kumpirmadong bilang ng casualties at ang kaso sa Brgy. Sto. Domingo ay under verification pa.

Gayunman, ipinagmalaki ni Arevalo ang pagiging listo ng mga residente na lumikas lalo na sa sandaling umapaw na ang tubig mula sa Manggahan Floodway. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us