Tinatayang aabot sa 69 ng dayuhang sex offender ang napigilang makapasok ng bansa ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa unang quarter pa lamang ng taon.
Ang nasabing bilang ay mas mababa kumpara sa 84 na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sa ulat nit BI Commissioner Norman Tansingco, sa mga hinarang na mga dayuhan, 58 ay registered sex offenders, habang ang iba ay may mga nakabinbing reklamo o nasa ilalim ng imbestigasyon para sa mga krimeng may kinalaman sa sexual offense.
Ayon sa datos, karamihan sa mga naharang ay mula sa mga bansa ng Estados Unidos, na may bilang na 48. Kasama rin sa listahan ang apat na Briton, dalawang Australyano, at tig-iisa mula sa Germany, Indonesia, Papua New Guinea, at isang overseas British national. Lahat sila ay inilagay sa immigration blacklist at pinagbawalan nang muling makapasok sa Pilipinas.
Binigyang-diin naman ni Tansingco na alinsunod sa Philippine Immigration Act, ang mga indibidwal na nahatulan ng mga krimeng may kinalaman sa moral turpitude ay kaagad na hindi na pinapatuloy pa ng bansa.
Ang nasabing hakbangin din ay bahagi ng pagpapatuloy ng Project #Shieldkids ng BI na inilunsad noong nakaraang taon upang palakasin ang kampanya nito laban sa mga dayuhang sexual predator.
Nilalayon ng programang na paigtingin ang pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno sa paglaban sa pananamantala at trafficking ng mga bata.
Hinihikayat din nito ang publiko na iulat sa kanilang ang mga pinaghihinalaang kaso ng pang-aabuso sa pamamagitan ng BI Commissioner’s helpline sa Facebook. | ulat ni EJ Lazaro