Inaasahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may babanggitin ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ukol sa mga modernization projects ng militar.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, “reasonable to assume” na tatalakayin ng Pangulo ang mga “key themes” katulad ng mga kasalukuyang pambansang prayoridad.
Sadyang kasama aniya ang AFP kung ang pag-uusapan ay pagpapalakas ng pambansang seguridad at pagpapahusay ng kakayahang pandepensa.
Sa nakalipas aniyang dalawang taon ng administrasyong Marcos, nagsagawa ng pagbabago ang AFP mula sa internal security operations patungo sa external defense.
Sa ngayon aniya ay mas malaking hamon ang external defense, kaya binuo ang “Comprehensive Archipelagic Defense Concept” kung saan kasama ang “Rehorizon 3” ng AFP Modernization Program.
Paliwanag ni Padilla, kaya tinawag na “Rehorizon 3” ay dahil nirepaso kung ano talaga ang kailangan ng Sandatahang Lakas para sa modernisasyon. | ulat ni Leo Sarne