Umaapela ngayon si Rizal 4th District Representative Fidel Nograles sa administrasyong Marcos na gawing prayoridad ang pagpapatupad ng agresibong rehabilitasyon ng watersheds ng bansa para makaiwas sa pagbaha.
Aniya, ang nature o ang ating kalikasan ang unang depensa laban sa mga bagyo.
Ngunit kung patuloy na makakalbo ang mga gubat natin lalo na ang mga watershed, mauulit lamang tuwing bubuhos ang malakas na ulan at bagyo na sasaluhin ng mga komunidad ang pagbaha.
“Even as we are in the midst of assessing the damage wrought by typhoon Carina, we should start thinking ahead. Nasa pangatlong bagyo pa lang tayo ng 20 bagyo na pumapasok kada taon, hindi pa bilang ang mga ulan na dala ng habagat. We should be seriously alarmed and do something about it,” sabi ni Nograles.
Nanawagan rin si Nograles na maaprubahan ang panukala na magtatatag ng Sierra Madre Development Authority, na mamamahala sa conservation ng 500-kilometrong kabundukan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes