Lumagda sa isang Memorandum of Understanding ang AGRI Party-list at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang palakasin ang information dissemination at access ng mga Pilipino, lalo na ng mga magsasaka at mangingisda sa health services at benefits ng state health insurer.
Ayon kay AGRI Party-list Representative Wilbert Lee ipinapakita nito ang commitment na bigyan ng tamang kaalaman ang agricultural workforce sa mga benepisyong pangkalusugan na maaari nilang i-avail.
“Bawat impormasyon, programa, at mga pagbabago sa serbisyo ng PhilHealth ay sisikapin nating maiparating sa bawat Pilipino at sa lahat ng dako ng Pilipinas. Walang maiiwan, dapat alam ng lahat. Dahil lahat tayo, may karapatan sa maayos at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan. Mayaman man o mahirap, may karapatang mabuhay,” sabi ni Lee.
Ikinalugod naman ni PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma ang inisyatiba ng party-list sa pagtulong na kanilang maiparating sa ating mga kababayan ang mahahalagang impormasyon tungkol sa serbisyo at benepisyong kanilang ipinagkakaloob.
Batay sa kasunduan gagamitin ang mga plataporma ng AGRI Party-list upang maipakalat ang mga impormasyon at kung paano makaka-avail ng health services at benefits ng PhilHealth. | ulat ni Kathleen Jean Forbes