Pinasinungalingan ng National Security Council (NSC) ang alegasyon ni ACT Teachers Party List Rep. France Castro na sangkot sa “red tagging” at pagkakalat ng “disinformation” si National Security Adviser Secretary Eduardo Año.
Buwelta ni NSC Spokesperson Assistant Director General Jonathan Malaya sa isang statement ngayong araw, walang katotohan at basehan ang naturang alegasyon at si Rep. Castro ang nagkakalat ng “disinformation”.
Nilinaw ni Malaya na walang maituturing na “red tagging” sa pahayag ni Sec. Año noong Hulyo 15, at ang alegasyong ni Castro ay isa lang kumbinyenteng palusot para umiwas sa responsibilidad sa kanyang krimen.
Sa naturang pahayag ni Sec. Año, pinuri niya ang hatol ng korte na “guilty” laban kay Castro at 12 iba pa sa kasong Child Abuse and Exploitation bilang patunay na walang “above the law”.
Ang kaso ay kaugnay ng ilegal na pagtangay ng mga akusado sa mga menor de edad sa Talaingod, Davao del Norte noong 2018, na pinalabas nilang “rescue mission”.
Binigyang diin ng NSC na si Castro at ang kanyang mga kapwa akusado ay binigyan ng patas na pagkakataon sa korte na ipagtanggol ang kanilang sarili sa tulong ng isang katutak na abugado, pero sa huli ay nanaig ang katototohanan at nalantad ang kanilang panlilinlang. | ulat ni Leo Sarne