Nahaharap sa patumpatong na reklamo ang isang babaeng sakay ng pribadong SUV matapos siyang pumalag, makipagmatigasan, at magtangka pang manuhol ng traffic enforcer.
Ito’y matapos siyang sitahin ng mga tauhan ng Department of Transportation-Special Intelligence Committee on Tansportation (DOTr-SAICT) dahil sa hindi awtorisadong pagdaan nito sa EDSA Busway sa bahagi ng Ortigas Avenue nitong Martes.
Batay sa ulat ng SAICT, nagpanggap na sundalo ang babaeng may-ari ng SUV dahil nakasuot pa ito ng military uniform at may malaking logo pa ng Philippine Army sa harapang pintuan ng sasakyan
Palusot ng babae, nagmamadali umano siyang makadalo sa isang conference sa Taguig City kaya’t sa halip na sumunod ay nagalit, nakipag-diskusyon at nagmatigas pang huwag ibigay ang kaniyang OR/CR.
Hindi pa nakuntento ang naturang babae at tinangka pa nitong suhulan ang traffic enforcer na humuli sa kaniya pero hindi ito umubra sa mga tauhan ng SAICT.
Sa huli, sa impounding area ng Land Transportation Office (LTO) sa East Avenue, Quezon City ang bagsak ng SUV habang binigyan ito ng ticket dahil sa pagiging unregistered vehicle gayundin ang disregarding traffic sign.
Nakipag-ugnayan din ang SAICT sa pamunuan ng Philippine Army upang beripikahin kung tunay bang sundalo ang naturang babae na nakasuot ng military uniform at may insignia sa sasakyan nito subalit nabunyag na siya’y huwad at nagpapanggap lamang. | ulat ni Jaymark Dagala