Pormal nang sinimulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksyon ng 19-palapag na Bagong Pilipinas Building na Food and Drug Administration (FDA) na itatayo sa Filinvest Corporate City sa Alabang, Muntinlupa City.
Pinangunahan nina DPWH Secretary Manuel Bonoan at FDA Director General Samuel Zacate ang ceremonial groundbreaking na isinagawa noong ika-17 ng Hulyo. Kasama rin nila sina First Lady Maria Louise “Liza” Araneta-Marcos, Sec. Amenah Pangandaman ng Department of Budget and Management (DBM), at Assistant Secretary Charade Mercado-Grande na kumatawan kay Sec. Teddy Herbosa ng Department of Health (DOH).
Saksi din sina Mayor Rozzano Rufino B. Biazon ng Muntinlupa City, DPWH Assistant Secretary Nerie Bueno, at DPWH National Capital Region Director Loreta Malaluan.
Ang inaasahang bagong gusali ay may kabuuang floor area na humigit-kumulang 29,000 square meters na layong magbigay ng moderno at kaaya-ayang workspace para sa mga kawani ng FDA.
Binanggit din ni Sec. Bonoan ang kahalagahan ng FDA sa pangangalaga ng kalusugan ng publiko at ipinahayag ang layunin ng proyekto sa muling pagbibigay sigla at inspirasyon sa mga kawani ng ahensya.
Sa kasalukuyan, ang FDA Central Office ay matatagpuan sa Experimental Animal Laboratory (EAL) Building, na itinayo noong 1987 sa Alabang. | ulat ni EJ Lazaro