Ibinida ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ang mga makabuluhang nagawa ng kanilang ahensya sa ilalim ng ‘Bagong Immigration’ vision, na nakahanay sa mga layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang mas epektibo at ligtas na Pilipinas.
Ilang araw bago ang ikatlong State of the Nation Address ng Pangulo, inanunsyo ni Tansingco ang 118% na pagtaas sa immigration processing noong 2023, kung saan may malaking pagdami ng mga turistang dumating sa bansa gayundin ang bilang ng mga flight.
Nagresulta naman sa pagpapatalsik ng mahigit 3,300 undesirable aliens at ang pag-endorso ng 726 na kaso ng trafficking ang mga isinasagawang advancement ng BI pagdating sa border management kaya naman nananatili ang Pilipinas sa Tier 1 status sa U.S. Trafficking in Persons Report.
Samantala, ang kampanya laban sa mga sexual predators na tinatawag na #Shieldkids ay nagresulta sa pagsipa palabas ng bansa ng 171 indibidwal at ang pag-aresto at pagpapatapon ng libu-libong illegal aliens.
Kabilang din sa mga pagsisikap ng BI ang automations gaya ng Integrated eTravel System at label-free processing gamit ang electronic gates, na nagresulta sa efficiency at pagbawas ng korapsyon.
Kasama rin sa mga bagong online na serbisyo ng BI ay ang visa extensions at student visas at pagpapasimple sa pag-access nito sa publiko.
Habang ang mga bagong field offices ng BI at ang nalalapit na makabagong main office ay lalong magpapatibay sa kanilang mga kakayahan sa pagseserbisyo, na ayon kay Tansingco, na marka ng isang bagong simula para sa Bureau of Immigration. | ulat ni EJ Lazaro