Binuksan na ng Department of Transportation sa publiko ang pinakabagong istasyon ng EDSA Busway na PHILAM QC.
Pinangunahan mismo ni Transportation Secretary Jaime Bautista, kasama sina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair Atty. Romando Artes at DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Jesus Ferdinand Ortega ang pormal na pagbubukas ng karagdagang EDSA busway stations na mapapakinabangan ng mga pasahero.
Tampok dito ang tatlong transparent manlifts para gawing mas accessible ang pedestrian footbridge patungong bus carousel lalo sa mga pasaherong mga senior, mga buntis at person with disability.
Mayroon ding smart traffic surveillance system na gagamitin hindi lang sa naturang istasyon kundi sa iba pang busway stops.
Sa kasalukuyan, 18 na ang operational bus stations sa median lane ng EDSA Busway kabilang ang Philam QC.
Ayon naman kay Transportation Sec. Bautista, hihirit pa ito ng dagdag na budget sa DBM para maparami ang mga ganirong proyekto at mas maging accessible ang lahat ng istasyon ng edsa busway lalo’t marami nang pasahero ang tumatangkilik dito.
Kaugnay nito, nakiusap naman si MMDA Chair Artes sa mga commuter na ingatan at huwag sirain ang mga bagong pasilidad. | ulat ni Merry Ann Bastasa