Inihayag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ipinag-utos na ng Court of Appeals (CA) na i-freeze ang lahat ng assets at bank accounts ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ng iba pang indibidwal na sangot sa operasyon ng iligal na POGO sa bansa.
Sa statement ng AMLC na ibinahagi ni Senador Sherwin Gatchalian, sinabi ng AMLC na inaprubahan ng CA ang petisyon na inihain nila para ma-freeze ang assets nina Mayor Alice, Zhiyang Huang, at Baoying Lin.
Nakasaad sa petisyon na ang tatlo ay pinaghihinalaang sangkot sa human trafficking at iba pang iligal na aktibidad sa pamamagitan ng mga kumpanyang Zun Yuan Technology, Baofu Land Development, at Hongsheng Gaming Technology Inc.
Idinetalye rin ng AMLC na kabilang sa freeze order ang 90 bank accounts nina Guo sa 14 na financial institutions, real properties, at iba pang high-value personal properties gaya ng mga mamahaling sasakyan at helicopter.
Pinunto naman ni Gatchalian na sa mga bank accounts na ito, 36 ang nakapangalan kay Mayor Alice. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion