Umaasa ang mga nagtitinda ng itlog sa Pasig City Mega Market na lalakas muli ang bentahan nila ng itlog pagsapit ng pagbabalik eskuwela ng mga mag-aaral.
Ito’y kasunod na rin ng hinaing ng mga nagtitinda ng itlog na matumal ang kanilang bentahan bunsod na rin ng pagtaas ng presyo ng kanilang paninda.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nasa ₱10 hanggang ₱20 ang itinaas ng kada tray na itlog kaya’t pahirapan ang pag-uubos ng mga paninda dahil sa matumal na bentahan.
Paliwanag ng mga nagtitinda ng itlog, tumaas ang presyuhan ng kanilang mga paninda mula pa noong Marso sa kasagsagan ng mainit na panahon na nagdire-diretso ngayong Hulyo.
Sa ngayon, nasa ₱6.50 ang presyo ng pinakamurang itlog na mabibili sa mga palengke at kada tumpok rin ang bentahan nito habang ang ilang mga suki ay kada piraso na lamang ang pagbili. | ulat ni Jaymark Dagala