Wala pang inirerekomenda sa ngayon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na fishing ban sa karagatang apektado ng oil spill mula sa lumubog na oil tanker na MT Terra Nova sa karagatang bahagi ng Limay, Bataan.
Ayon kay BFAR Spokesperson Nazario Briguera, tuloy tuloy pa rin ang pangingisda sa Bataan.
Wala rin aniyang dapat ikabahala dahil batay sa kanilang inisyal na mga pagsusuri ay negatibo pa sa traces ng langis ang mga isdang mula sa naturang karagatan kaya nananatiling ligtas pa itong kainin.
Sa ngayon, round the clock na aniya ang kanilang ginagawang monitoring sa sitwasyon at may mga idineploy na ring tauhan sa mga pantalan para suriin ang mga isdang huli sa Bataan.
Sa tala ng BFAR, aabot sa tinatayang 46,000 mangingisda sa NCR, Central Luzon at CALABARZON ang posibleng maapektuhan kung maging malawakan pa ang oil spill mula sa MT Terra Nova. | ulat ni Merry Ann Bastasa