Nanawagan si Senador JV Ejercito na maglatag na ang pamahalaan ng mga high impact o big-ticket flood control projects para maramdaman ang resulta ng ganitong mga proyekto.
Paliwanag ni Ejercito, kapag nagpatuloy kasi ang paggawa ng flood control projects na patse-patse o unti-unti lang ay walang mangyayari at magsasayang lang ng pera ang pamahalaan.
Pinunto ng senador na nasa P300 bilyon ang ginagastos kada taon para sa flood control pero tila hindi naman maayos na napa-plano at napapatupad ang mga ito.
Kaya naman ang kailangan aniya ay mga high impact flood control projects gaya ng mega dikes at malalaking water impounding infrastructures.
Ito rin aniya ang dahilan kaya isinusulong ni Ejercito ang pagkakaroon ng komprehensibong masterplan para sa infrastructure development, maliban pa sa transportation modernization. | ulat ni Nimfa Asuncion