Nagpahayag ng senyales si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona sa planong interest rate cut ngayong August 15.
Sa isinagawang Economic Briefing sa Ayuntamiento, Manila, sinabi ni Remolona na hindi na nila aantayin ang US Federal Reserve na magsagawa ng kanilang rate cut.
Paliwanag ng BSP Chief, ito ay dahil sa bumagal na inflation sa bansa gaya ng 3.7 percent na naitala nitong Hunyo.
Ayon kay Remolona, kabilang sa pag-iingat na kanilang ginagawa sa ngayon ay ang huwag nang patagalin ang rate cut dahil mas marami ang nawawala sa bayan.
Kabilang kasi sa inaabangan ng mga investor ang pagtatapyas ng monetary policy setting ng bansa.
Sinabi pa ni Remolona, na sakaling magkaroon ng “breach” sa July inflation hindi nito madidiskaril ang planong rate cut sa Agosto. | ulat ni Melany Valdoz Reyes