Welcome para sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang pagkapasa ng Republic Act. no. 12010 na kilala rin bilang Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA) na nilagdaan ngayong araw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang.
Layunin ng naturang batas na labanan ang mga financial cybercrimes, protektahan ang mga konsyumer, at panatilihin ang integridad ng financial system.
Sa pahayag ni BSP Governor Eli Remolona Jr., pinuri nito ang bagong batas at sinabing makakatulong ito sa pagpapalakas ng proteksyon ng mga konsyumer at magpapatatag sa tiwala at kumpiyansa sa mga financial system sa Pilipinas.
Pinarurusahan sa ilalim ng AFASA ang iba’t ibang krimen na may kinalaman sa finance tulad ng pagiging money mule, paggamit ng social engineering schemes, at pagsasagawa ng economic sabotage.
Binibigyan din ng kapangyarihan ang BSP sa nasabing batas na imbestigahan ang mga krimeng ito at mag-apply ng mga cybercrime warrant sa pakikipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP).
Dagdag pa rito, maaari ring suriin at imbestigahan ng BSP ang mga bank account at iba pang financial accounts na sangkot sa mga ipinagbabawal na gawain. Inaatasan rin ng batas ang mga institusyong may pananagutan na i-hold ang mga disputed funds at beripikahin ang mga transaksyon para sa pagsiguro ng matibay na mga sistema ng pamamahala laban sa mga panganib at pandaraya.
Kinakailangan naman ang kooperasyon, ayon sa BSP, ng mga ahensya ng gobyerno, institusyong pinansyal, at iba pang mga stakeholder upang epektibong maipatupad ang batas.
Dagdag pa ng BSP, ang AFASA ay naaayon sa mga layunin nito sa pagtaguyod ng isang malakas na financial system at isang mahusay, ligtas, at secure na digital payments ecosystem na sumusuporta sa iba’t ibang mga pangangailangan at kakayahan ng mga indibidwal at kumpanya. | ulat ni EJ Lazaro