Masusing binabantayan sa kasalukuyan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang naganap na pandaigdigang outage kung saan naapektuhan nito ang ilang systems na gumagamit ng mga software ng Microsoft.
Dahil sa nasabing outage, ilang financial institutions na nasa ilalim ng BSP ang nakaranas ng mga pagkaantala sa serbisyo.
Ayon sa BSP, patuloy ang pagsasaayos ng mga nasabing institusyon upang maibalik sa ayos ang kanilang systems habang ang ilan ay naibalik na muli sa ayos ang kanilang mga naapektuhang serbisyo.
Ilan sa tagumpay na naiayos bago matapos ang araw kahapon ay kinabibilangan ng mga settlements kasama ang PESONet, Instapay, mga transaksyon sa ATM, at pag-clear ng tseke. Habang hindi naman naapektuhan ang BSP Peso Real Time Gross Settlement System o PhilPassPlus.
Nananatili namang matatag, ayon sa BSP, ang financial system ng bansa kung saan may mga nakahandang mga alternatibong channel at digital platforms na maaaring magamit pa rin ng mga indibidwal at negosyo. | ulat ni EJ Lazaro