Patuloy na binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang aktibidad ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island.
Kasunod ito ng naitalang patuloy na pagbuga ng mataas na lebel ng volcanic SO2 ng bulkan.
Batay sa pagsukat ng PHIVOLCS, umabot sa 5,083 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng Bulkang Kanlaon na pangalawang pinakamataas na sukat ng SO2 mula sa bulkan na naitala ngayong taon.
Bukod dito, mayroon ding naitalang humigi’t-kumulang na 42 volcanic earthquake sa nakalipas na 24-oras.
Ayon pa sa PHIVOLCS, patuloy pa rin ang pamamaga ng bulkan na senyales na may pagkilos ng magma sa ilalim ng bulkan.
Bunsod nito, patuloy ang paalala ng PHIVOLCS publiko na nakataas pa rin ang Alert Level 2 (increasing unrest) sa Bulkang Kanlaon na nangangahulugan na may kasalukuyang mababaw na aktibidad pa rin sa bulkan at maaaring humantong sa pagputok o mas higit pang mapanganib na magmatic na pagsabog.
Patuloy na ipinagbabawal ang ang pagpasok sa four (4) kilometer-radius Permanent Danger Zone (PDZ) upang makaiwas sa panganib na dulot ng pagputok ng bulkan. | ulat ni Merry Ann Bastasa